Inaasahan ng Commission on Elections o Comelec na aabot sa siyam napu’t anim (96) hanggang siyam napu’t pitong (97) porsyento ang transmission rate ng election result para sa May 13 midterm elections.
Ayon ito kay Comelec Spokesman James Jimenez na nagsabi ring nakapagtala sila ng mataas na transmission rate noong 2016 national elections.
Inamin ni Jimenez na bigo silang maabot ang 100 percent transmission rate dahil sa paggamit nila ng cellular signals na kadalasang pumapalpak.
Sa aniya pantawag ang kailangang signal kundi para sa pagpapadala ng data o LTE halimbawa o broadband.
Tiniyak naman ni Jimenez sa publiko na handa ang Comelec sa mga back up nito sakaling mawalan ng maayos na signal para sa darating na eleksyon.
Samantala, pinaalalahanan ni Jimenez ang mga botante na i-shade ng isandaang porsyento ang oval sa balota.
Sinabi ni Jimenez na mayroon silang special marker kaya’t hindi dapat gumamit ng ballpen o lapis sa pag-shade ng buo sa oval.
Kasabay nito, muling ipinaalala ni Jimenez na pinalawig ang itinakdang oras nang pagboto o mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
—-