Dapat munang makamit ang mataas na vaccination rate kontra COVID-19 bago ikonsidera ng gobyerno na isailalim sa mas maluwag na Alert Level 1 ang Metro Manila.
Ito ang inihayag ni interior secretary Eduardo Año sa gitna ng napipintong desisyon ng IATF kung ibaba sa Alert Level 1 o manatili sa level 2 ang National Capital Region anumang araw.
Ayon kay Año, nagsumite na sa kanila ng partial list ng mga hindi bakunado ang mga barangay na magiging batayan ng mga vaccinator kung sino ang mga pupuntahan.
Dapat anyang matiyak na mas magiging mataas ang vaccination rate upang maging ligtas ang lahat anumang COVID-19 variant ang sumulpot at hindi na magiging kritikal o severe ang mga kaso.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Nina Gloriani, chairperson ng government vaccine expert panel, na target nilang makapagbakuna ng karagdagang 6 milyong katao sa national vaccination days hanggang Pebrero 18.
Sa ngayon ay aabot na anya sa mahigit 61 milyon ang fully vaccinated sa bansa.