Isinisi sa Cyprus Police ang matagal na pagresolba sa tatlong (3) Pinay at isang bata na nawawala noon pang 2017.
Ayon kay Ester Beatty, chairperson ng Federation of Filipino Organizations sa Cyprus, hindi sineryoso ng Cyprus Police ang report hinggil sa mga nawawalang Pilipina na pinaniniwalaang biktima ng isang serial killer.
Ngayon pa lamang anya kumikilos ang pulisya para hanapin ang mga nawawalang Pilipina.
Sa ngayon, tanging ang labi pa lamang ni Mary Rose Tiburcio ang kinilala ng awtoridad.
May isa pang nakitang labi na pinaniniwalaang si Ariane Palanas Lozano subalit kinakailangan pa ng DNA test para sa kumpirmasyon.
Kabilang pa sa nawawala si Maricar Valdez Argiola at ang batang anak ni Tiburcio.
Samantala, nananatili sa kulungan ang greek cypriot army officer na nauna nang umaming pumatay ng limang (5) dayuhang babae at dalawang (2) bata sa nagdaang tatlong taon.