Patay ang isang ginang na una nang napaulat na nawawala sa sunog sa residential area sa Pablo Ocampo Street sa Malate, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), natagpuan ang labi ng 69-anyos na biktimang si Lydia Mondero-Bernal sa loob ng banyo nang nasunog nitong bahay.
Ipinabatid ni Lilibeth Bernal, anak ng biktima, na una nilang tinulungang makalikas ang matanda na ring ama subalit nagulat sila nang hindi pala nakasunod ang kanilang ina.
Ilang oras aniya nilang sinuyod ang buong bahay hanggang alas-8 na ng umaga nang makita ang labi ng kanyang ina.
Pasado alas-3 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa Malate na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang idineklarang fire out matapos ang mahigit tatlong oras. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)