Matapos ang halos 20 taon, ibinaba na rin ng Quezon City Regional Trial Court ang hatol sa kasong may kinalaman sa pagguho ng basura sa Payatas dumpsite na pumatay ng 300 daan.
Sa desisyong inilabas ni Quezon City Judge Marilou Runes-Tamang, sinabi nitong ang kapabayaan ng Quezon City Government ang dahilan ng pagkamatay ng mga mamamayan ng syudad.
Binigyang diin sa resolusyon ni Judge Runes-Tamang na ang bundok ng basura sa Payatas ang isang malaking katunayan at testamento ng kapabayaan ng Quezon City Government.
Dahil dito, inatasan ng Korte ang Quezon City Government na magbayad ng tig-50,000 piso sa kaanak ng bawat biktima at dagdag na tig-10,000 piso bilang danyos.
Ang mga respondents sa kaso ay sina dating Mayor Ismael Mathay Jr, dating MMDA Chairman Jejomar Binay, Tofemi Realty Corporation, Meteor Company Inc. at Ren Transport Corporation.
Matatandaan na isa sa itinuturing na pinakamalalang kalamidad na gawa ng tao sa kasaysayan ang pagguho ng bundok ng mga basura sa Barangay Lupang Pangako sa Payatas dumpsite nuong July 10, 2000.