Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Education kaugnay sa pagbili ng mga overpriced umanong DSLR cameras.
Ito ang tiniyak ni DepEd spokesperson, Atty. Michael Poa bilang tugon sa social media post ng isang photo-journalist na ikinumpara ang biniling Canon EOS 1500d ng DepEd na nagkakahalaga ng P155,929.
Kumpara ito sa presyo sa mismong Canon Philippines at mga online store na naglalaro lamang sa P22,000 hanggang P33,000.
Ayon kay Poa, hindi pa nila mabatid kung anong camera ang ginagamit ng kagawaran, lalo’t sa kanyang pagkaka-alam ay walang entry-level cameras kundi mga mark 4 sa kanilang Public Affairs Service sa Central Office.
Bagaman binura na ang nasabing post, kinuwestyon ng netizens, partikular ng mga photo-journalist at enthusiast ang quotations para sa entry-level dslr.
Kabilang na rito ang quotation sa proposal request para sa isang mirrorless DSLR camera na nagkakahalaga ng P170,000 noong september 2022 sa Agusan del Norte.
Nilinaw naman ni Poe na kinansela na ng DepEd – Caraga ang pagbili ng nasabing camera na gagamitin sana para sa broadcast-livestream dahil nagbigay ang Regional Information Communications Technology ng mga camera.