Binigyan ng bagong bihis ng SM Foundation Incorporated ang Barangay Irawan Birthing Facility sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang renovation sa 195 wellness center ng SMFI ay pinangasiwaan ni SM Foundation Senior Project Manager for Health and Medical Programs Albert Uy na tiniyak na nasunod ang ang mga standard na itinakda ng Department of Health.
Ayon kay Uy, ang dating sira -irang pasilidad ay nakapagbibigay na ngayon ng maayos na kondisyon para sa mga pasyente dahil sa mga bagong gamit at bagong pinturang dingding kung saan ginamit ang special air cleaning paints sa 80% ng pasilidad para makapagbigay ng healthier environment.
Ipinabatid pa ni Uy na gumamit ang SM Foundation ng inverter appliance sa Barangay Irawan Birthing Facility para makatipid sa kuryente at bilang suporta na rin sa greener future.
Gumamit din aniya ang SM Foundation ng energy efficient led lighting fixtures samantalang naglagay din sila ng water catchment system bilang alternatibong water source upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng tubig para na rin sa efficient water management.
Sinabi pa ni Uy na gumamit din ang SM Foundation ng eco-friendly at natural products bilang dagdag palamuti sa pasilidad para makatulong sa local businesses.
2016 nang magsimulang magsilbi sa mga buntis na residente ng Barangay Irawan at mga kalapit na barangay ng Sito Bucana, Iwahig, Sicsican at Sta. Lourdes bagama’t nasuspindi ang operasyon nito matapos ang dalawang taon matapos mabigong sumunod sa standards at qualifications ng DOH.
Binigyang-diin ni SM Foundation Executive Director for Health and Medical Programs Connie Angeles na handa na ang Barangay Irawan Birthing Facility matapos ang improvement at rehabilitation nito para sa re-qualification at re-application ng lisensya mula sa DOH upang muling makapag-operate gayundin ay makakuha ng accreditation sa PhilHealth.