Balik-operasyon na ang bottling plant ng softdrinks manufacturer na Coca-Cola Beverages Philippines, Incorporated (CCBPI) sa barangay Ulas, Davao City, isang araw matapos ang temporary closure dahil sa kakulangan ng supply ng asukal.
Ayon kay Atty. Juan Lorenzo Tañada, Director for Corporate and Regulatory Affairs ng CCBPI, naapektuhan ang kakayahan ng ilan nilang bottling plant na magproduce ng ilang produkto dahil sa kakulangan sa supply ng “bottler’s grade sugar”.
Ginagawa na anya nila ang lahat ng paraan upang mabawasan ang epekto ng supply disruption at supply shortage sa kanilang operasyon.
Nakikipag-ugnayan din ang kumpanya sa gobyerno at sugar industry sector upang makapaglatag ng mga solusyon para sa kapakanan din ng small retailers na naka-asa sa mga Coca-Cola product para sa kanilang kabuhayan.
Una nang sinabi ng nabanggit na beverage manufacturer na kailangan ng 450,000 metric tons ng premium refined sugar ng soda bottling industry upang maipagpatuloy ang operasyon ng kanilang mga planta hanggang katapusan ng taon.