Tiniyak ng Land Transportation Office ang tuluy-tuloy na kampanya laban sa korapsyon matapos ang pagkakahuli sa isa sa mga kawani nito na umano’y nagsisilbi ring “fixer” sa mga transaksyon sa LTO.
Iginiit ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade na walang puwang sa kanilang ahensya ang mga nasasangkot sa katiwalian at bilang na rin ang araw ng mga ito sa kanilang mga iligal na aktibidad.
Ayon kay Tugade, ang mga fixer ang puno’t dulo ng katiwalian sa ahensya at dapat magsilbing aral ang pagkaka-aresto sa isang tauhan ng LTO Region 6 sa Guimbal Extension Office, Iloilo.
Lihim umanong tumatanggap ng mga transaksyon ng ilang kliyente, mula sa pagre-renew ng rehistro, pagpapa-lisensya, at maging ang pagbabayad ng multa kapalit ng pera ang nasakoteng LTO personnel.
Gayunman, kinukuha lamang umano nito ang bayad at hindi na itinutuloy ang pagproseso.