Labis ang pagsisisi ng isang seafarer matapos iwan ng kaniyang misis dahil sa pagkakalulong sa E-sabong.
Ayon sa seaman na kinilala sa pangalang “Cj” 26-anyos, habang nagtatrabaho siya abroad ay nagagawa niya pang magsugal gamit ang isang phone application.
Sinabi ni Cj na siya ay tumatalpak ng malaking halaga ng pera sa E-sabong kung saan, nagawa niya pang ibenta ang kotse na binili sakaniya ng kaniyang ina.
Bukod pa dito, maging ang kaniyang sinasahod sa pagtatrabaho ay nilulustay niya rin sa Online sabong at umabot sa P2-M ang kaniyang nalustay dahilan para siya ay mabaon sa utang.
Sa ngayon, problemado si Cj kung saan, kukuha ng pera para maipagamot ang kaniyang anak na may sakit.
Dahil dito, humiling sa pamahalaan si Cj na ipatigil na ang E-sabong sa bansa.
Una nang sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Secretary Martin Andanar na nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang operasyon ng e-sabong maliban na lang kung ipapatigil ito ng kongreso.
Ang pasya umano ng Pangulo na ituloy ang E-sabong ay may layuning maidagdag ang kita nito sa pondo ng pamahalaan bilang suporta sa iba’t ibang programa, kabilang na ang COVID-19 response. —sa panulat ni Angelica Doctolero