Umapela ng pang-unawa at konsiderasyon sa publiko ang Berjaya Hotel – Makati para sa mga empleyado nito matapos suspendihin ng Department of Tourism ang kanilang akreditasyon at permit.
Kaugnay ito sa issue ng kabiguan umano ng Berjaya na pigilang makaalis kahit naka-quarantine ang COVID-19 positive guest at tinaguriang Poblacion Girl na si Gwyneth Ann Chua.
Ayon sa Management ng Berjaya, hindi nila kinukunsinte ang mga quarantine violator lalo ngayong tumataas muli ang COVID-19 cases sa bansa, lalo sa Metro Manila.
Nakalulungkot anilang binabato sila ng mga akusasyon at hinuhusgahan nang walang imbestigasyon o batayan.
Aminado ang Berjaya na naka-apekto na sa kanilang mga empleyado ang mga nagkalat na maling impormasyon, ispekulasyon at alegasyon kaya’t nagdududa na sa kanilang kredibilidad ang kanilang mga kliyente, business partner at guest.
Umaasa anya silang mabibigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang sarili kasabay ng pagtitiyak na itatama o pupunan kung anuman ang kanilang kakulangan.