“From PWD to RIP.”
Ito ang komento ng ilang netizen ukol sa bagong gawang wheelchair ramp sa EDSA Busway-Philam station sa Quezon City.
Sa halip kasing makatulong, tila madidisgrasya pa ang persons with disabilities (PWDs) na dadaan dito dahil sa pagiging matarik ng wheelchair ramp.
Isang wheelchair user na kinilalang si Nelson Belo ang sumubok sa naturang PWD ramp.
Gaya ng hinala ng mga netizen, nahirapan siyang makaakyat dahil sa sobrang tarik ng rampa. Maging pababa ay delikado rin, kahit may tumutulong pa sa kanya.
Paliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dito nila inilagay ang PWD ramp dahil sa limitadong espasyo. Kung wala ito, hindi umano maitatatag ang elevator.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes, hindi naging madali ang pagpapatayo ng PWD ramp sa Philam station dahil sa height restriction ng Metro Rail Transit (MRT).
Aminado man na hindi perpekto ang disenyo, partikular na para sa mga naka-wheelchair, iginiit ng MMDA na malaking tulong pa rin ito para sa senior citizens, buntis, at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan.
Tiniyak naman ng MMDA na magtatalaga sila ng mga tauhan upang tumulong sa PWDs na nahihirapang umakyat o bumaba sa rampa.
Samantala, kinumpara naman ng mga netizen sa slide, skateboard ramps, at maging sa rollercoasters ang PWD ramp na tinatawag ngayong “rampway to heaven”.