Napigilan ng militar ang planong pagpapasabog ng terorista grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na konektado sa Dawla Islamiya sa bahagi ng Central Mindanao.
Ito ay matapos masabat ng militar ang nasa 14 na malalakas na homemade explosive devices sa kanilang ikinakasang surgical operations laban sa grupo sa Maguindanao.
Ayon kay 6th infantry division commander at joint task force central Chief Major General Diosdado Carreon, maliban sa mga IED’s, kanila ring narekober ang mga matataas na kalibre ng armas at materyales sa paggawa ng bomba.
Ikinasa aniya ang operasyon sa iba’t-ibang natukoy na kuta ng BIFF sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.
Dagdag ni Carreon, patunay ang mga nasabat nilang bomba sa natanggap nilang intelligence report hinggil sa plano ng BIFF na ipakalat ang malalakas na pampasabog sa iba’t-ibang kalsada sa Maguindanao at matataong lugar sa Cotabato at Sultan Kudarat.