Tiniyak ng militar ang buong suporta at pakikiisa sa kampanya ng pamahalaan na lansagin ang Private Armed Groups gayundin ang pagsupil sa loose firearms lalo na ngayong papalapit na ang halalan.
Ayon ito kay Western Mindanao Command Chief Major General Alfredo Rosario Jr. Matapos masabat ng awtoridad ang iba’t ibang uri ng armas sa Pikit, Cotabato.
Sinabi ni Rosario na naispatan ng mga tauhan ng 90th Infantry Battalion ng army at 3rd Cavalry company ang dalawang armas na nasa likurang bahagi ng isang sasakyang dumaan sa kanila habang nagbibigay seguridad sa tanggapan ng Comelec sa Pikit Municipal Hall.
Kaagad hinarang ng mga sundalo ang naturang sasakyan kung saan nakuha ang isang low powered at apat na high-powered firearms na malinaw anilang paglabag sa Comelec gun ban mula Oktubre 1 hanggang 8.
Kinilala naman ni Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy ang may-ari ng sasakyan na si Benjamin Mantol alias Datu Mama na punong barangay ng Talitay at kaagad isinailalim sa interogasyon kasama ang tatlong iba pa, subalit pinakawalan din.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)