Mas malaki na ang makukuhang maternity assistance ng mga inang miyembro ng Social Security System (SSS) simula sa Enero 2020.
Ayon kay SSS President at CEO Aurora Ignacio, mula sa dating P32,000 ay aabot na sa P70,000 ang ipagkakaloob na maternity benefit sa mga bagong panganak na babaeng miyembro maging employed o self-employed ito.
Paliwanag ni Ignacio, tumaas ito dahil sa ipinatutupad na bagong minimum at maximum monthly salary credit batay sa implementasyon ng Republic Act No. 11210 o Expanded Maternity Leave Act at SSS Act of 2018.
Samantala, ipinagmalaki ng SSS na simula ng maipatupad ng Expanded Maternity Leave Act ay umabot na sa 122,000 na ina ang nakapag-avail ng dagdag na benepisyo o katumbas ng P2.67-B mula lamang noong Enero hanggang Abril ngayong taon.