Nakaranas ng matinding allergic reactions ang 28 kataong nabakunahan kontra coronavirus disease (COVID-19) na mula sa Pfizer/BioNTech at Moderna ayon sa U.S Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Batay sa ulat, mayroon ding naitalang isang kaso ng anaphylaxis, isang seryosong uri ng allergic reactions na nagdudulot ng pamamaga ng lalamunan at hirap sa paghinga na dulot naman ng bakunang mula sa Moderna.
Base sa pag-aaral ng CDC, 21 kaso ng anaphylaxis rin ang naitalang dahilan ng pagkamatay ng mga nabakunahan ng Pfizer/BioNTech vaccine sa pagitan ng Disyembre 14 at Disyembre 23,2020 at 71% dito ay naramdaman 15 minuto matapos ang pagbabakuna.
Dahil dito, nanawagan ang CDC sa mga nabakunahang nakararanas ng matinding allergic reactions na huwag na munang magpaturok ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer o Moderna.
Ayon naman sa Britains Medical regulator, ang mga pasyenteng nakaranas o nakararanas ng anaphylaxis o matinding allergic reactions mula sa pagkain o anumang gamot ay hindi dapat bakunahan ng Pfizer/BioNTech vaccine.
Dagdag naman ng CDC na patuloy nilang babantayan ang insidenteng ito at lingguhang iuulat sa kanilang website.
Magugunitang higit 357,000 na ang naiulat na namatay sa US dulot ng coronavirus disease.—sa panulat ni Agustina Nolasco