Inaasahang tatamaan ng matinding dry spell dulot ng El Niño ang 12 mga lalawigan sa bansa na tatagal pa hanggang sa kalagitnaan ng 2016 ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Dahil dito, inaasahang aabot sa 60-porsyentong kakulangan sa aktwal na dami ng ulan ang mararanasan ng bansa sa mga susunod na buwan.
Partikular na makakaranas ng matinding tagtuyot ang mga lalawigan ng Quezon, Camarines Norte at Sarangani na nauna nang kinakitaan ng kakapusan ng pag-ulan sa nakalipas na mga buwan.
Inalerto na rin ng pagasa ang mga lalawigan ng Laguna, Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Romblon, Aklan, Antique, Guimaras, Biliran at North Cotabato.
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Department of Agriculture (DA) at naghahanap na rin sila ng iba pang solusyon kung paano mababawasan ang hinaharap na problema ng sektor ng agrikultura sa bansa.
By: Mariboy Ysibido