Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) na nakararanas ng matinding gutom ang mga magsasaka sa North Cotabato.
Ito ang reaksyon ni Agriculture Secretary Proceso Alcala kasunod ng mga hinaing ng mga magsasaka sa lugar na nagresulta sa isang pagkilos na nauwi sa karahasan.
Ayon kay Alcala, hindi grabe ang nararanasang hirap ng mga magsasaka sa lugar dahil may sapat naman anyang suplay ng bigas ang lalawigan.
Kung sakaling magkaroon ng kakapusan sa pagkain sa lugar, sinabi ni Alcala na agad itong makikita sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin doon.
Giit pa ng kalihim, noong isang taon pa nila inihahanda ang mga magsasaka sa epektong dulot ng El Niño phenomenon at sinabayan na rin aniya nila ito ng mga hakbang para maibsan ang epekto nito.
DILG
Samantala, magkakasa ng imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government o DILG sa marahas na kilos protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City noong isang linggo.
Ayon kay DILG Sec. Mel Senen Sarmiento, bumuo na sila ng dalawang fact finding task force na siyang malalimang magsisiyasat sa tunay na pangyayari.
Tututukan ng unang panel sa pangunguna ng National Police Commission o NAPOLCOM ang aspeto ng operasyon ng pulisya hinggil sa ginawang dispersal.
Habang ang lokal na pamahalaan naman ang siyang tututukan ng ikalawang panel sa pangunguna ng Bureau of Local Government Supervision hinggil sa kung anong hakbang ang ginawa nito para masolusyunan ang problema ng lugar na may kinalaman sa El Niño.
By Jaymark Dagala