Naipit sa matinding trapiko ang maraming motorista sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng cashless collection ng toll fee sa mga tollways.
Sa North Luzon Toll Plaza, ilang motorista ang nalito pa sa mga itinakdang lanes tulad sa lugar kung saan ang kabitan ng radio frequency identification (RFID) tags at lugar para sa mga mayroon na nito.
Ang mabigat na trapiko ay dulot ng pag-aavail ng mga motorista ng RFID stickers.
Samantala, alas-4 pa lamang ng madaling araw kanina ay nakaranas na ng matinding trapiko sa Mindanao toll plaza, samantalang problema rin ng maraming motorista sa Balintawak kung saang lane papasok.
Para mapagaan ang daloy ng trapiko, pinayagan ng NLEX management ang mga motorista na mayroong RFID tags na mag-counterflow na lamang.
Dalawang lanes naman ang itinakda para sa magpapakabit ng RFID stickers sa loob ng 24-oras.
Sa C5 toll plaza sa South Luzon Expressway sa Taguig City, mahabang linya ng mga sasakyan ang naispatan kaninang umaga para sa paglalagay ng RFID stickers.
Hanggang ika-11 ng Enero ng taong 2021 na lamang pupuwedeng makakuha ng RFID stickers ang mga sasakyan, at simula ika-12 ng Enero, ang mga motoristang gagamit ng maling lane ay magmumulta ng P2,000, samantalang ilang lane lamang ang itatakda para sa cash payment.