Mistulang delubyo ang dinanas ng libu-libong motorista at commuters sa simula ng pagsasara ng maraming kalsada para sa APEC Summit.
Hindi deklaradong holiday ang araw na ito, November 16 kaya’t marami pa rin ang napilitang pumasok sa trabaho lalo na yung mga arawan ang sahod.
Sa report ng DWIZ, barado ang Coastal Road at ang Airport Road dahil sa pagkakasara ng Roxas Blvd.
Marami sa mga commuters ang napilitan na lamang bumaba ng sinasakyang bus at maglakad mula toll plaza ng Cavitex hanggang sa kanilang destinasyon.
Kabilang sa mga isinara nang kalsada simula sa araw na ito ang North at Southbound lane ng Roxas Blvd mula Katigbak patungong P. Ocampo, kahabaan ng Roxas Blvd Service Road mula Sta. Monita patungong P. Ocampo, kahabaan ng Quirino Avenue mula Roxas Blvd. patungong Adriatico, kahabaan ng Century Park St. mula Adriatico patungong Mabini St., kahabaan ng Mabini St. mula P. Ocampo patungong Quirino Avenue, southbound lane ng Adriatico mula Quirino Avenue patungong Century Park St., kahabaan ng P. Ocampo mula Adriatico patungong Roxas Blvd, kahabaan ng MH del Pilar st mula Sta. Monica st patungong Malvar St., kahabaan ng Pedro Gil st mula Roxas Blvd. patungong Mabini St.
Mananatiling sarado ang mga nabanggit na lugar hanggang alas-12:00 ng madaling araw ng Biyernes.
By Len Aguirre | Aya Yupangco | Raoul Esperas (Patrol 45)