Mahaharap sa mga kasong kidnapping, murder at perjury ang self-confessed Davao death squad member na si Edgar Matobato.
Ito’y matapos irekomenda ng senate committee on justice na kasuhan si Matobato sa isang draft report matapos ang imbestigasyon sa sinasabing extrajudicial killings sa bansa.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng komite, kompleto na ang committee report at pinapaikot na ito sa mga senador para sa kanilang lagda.
Giit ni Gordon, malinaw na nagsinungaling si matobato sa mga isinagawang pagdinig kaya dapat itong sampahan ng kasong perjury.
Matatandaang inamin ni Matobato na may partisipasyon siya sa kidnapping at pagpatay sa isang Sali Makdum sa Samal island sa Davao.
Gayunman, inabswelto ng komite ang Duterte administration sa mga alegasyon ng extrajudicial killings sa gitna ng madugong giyera laban sa iligal na droga.
By Jelbert Perdez