Kabi-kabila ang panawagan ng mga estyudante’t-magulang sa ating pamahalaan upang pigilan ang anumang pagtataas ng matrikula sa darating na pasukan.
Nag-ugat ang kanilang masidhing pakiusap matapos ianunsiyo na nasa apatnaraang kolehiyo at unibersidad ang nagpahiwatig na magtataas ng kanilang tution at iba’t-ibang mga bayarin sa mga paaralan sa academic year na 2016-2017.
Ibig sabihin nito ay panibagong pasanin na naman ito ng mga magulang.
Kung susumahin ang mga naganap na pagtaas ng matrikula mula 2010 hanggang 2015, aba’y doble na ang itnaaas nito.
Katunayan, bilang isang magulang na nagpapaaral sa pribadong paaralan sa tatlong estyudante, hindi biro ang maglaan ng di bababa sa tatlongdaan libong piso kada school year.
Nagiging mabigat ito kung mag-isa mo itong gugugulin.
Hangad ng bawat magulang ay mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak, pero kapag ganito ang nangyayari sa bansa, habang tumatagal ay tila hindi na halos makayanan ng bawat Pilipino ang pagpapaaral sa kanilang mga anak.
Hindi masama na kumita ang mga paaralan, pero kung ito ay palagiang nagtataas ng matrikula, kesyo pambayad sa kanilang operational expenses at pagpapaganda ng kanilang paaralan, aba dapat din namang isaalang-alang naman din nila ang katayuan ng bawat mamamayan.
Hindi kasi malayong magkaroon ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga estyudanteng matitigil sa pag-aaral dulot ng kawalan ng kakayahang magbayad ng matrikula.
Ang masklap pa ay desidido ang mga estyudante na tapusin ang kanilang pag-aaral, ngunit paano ito maisakatuparan kung wala silang maasahan sa gobyernong tutulong sa kanila upang matigil ang walang habas na pagtataas ng bayarin sa mga paaralan.
Kaisa ako sa panawagan ng mga kapwa ko mga magulang na simulan ng gobyerno na makibahagi sa laban na tutulan ang anumang pagtataas ng bayarin sa mga paaralan.
Batid natin na may kapangyarihan ang ating Pangulo na pansamantalang pigilan ang anumang binabalak na umento.
Huwag na nating antayin pang dumami pa ang mga nasasayang na buhay ng mga estyudanteng nagpapatiwakal dulot ng kakapusan sa pagbayad sa kanilang matrikula.
Nasaan ba ang inyong konsensiya?