Inilabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nilalaman ng matrix ng mga umano’y nagpopondo sa Maute-ISIS group sa Marawi City.
Ayon kay Pangulong Duterte nakapagtatakang mahigit tatlong buwan na ang bakbakan sa Marawi City pero hindi nauubusan ng suplay ng mga armas, bala at pampasabog ang Maute-ISIS group.
Sinabi pa ng Pangulo na batay sa impormasyon ng militar, ilang mga narco-politicians at drug lords ang nagpopondo at nagbibigay proteksyon sa mga terorista.
Una nangg ipinakita ni Pangulong Duterte ang nasabing matrix sa kanyang ika-limang pagbisita sa Marawi City kung saan kanyang tinukoy na kabilang dito ang napatay na mayor ng Ozamiz City na si Reynaldo Parojinog Sr.
Kasama rin sa listahan ang pangalan nina Maguing, Lanao del Sur Mayor Mamaulan Pangga Abinal Mulok; dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Mohd Ali “Merikano” Abinal; dating Marawi City Mayor Fahad Salic at mga anak na sina Vice Mayor Arafat Salic, Samer at Walid ; dating Marawi City Mayor Solitario Omar Ali; dating Mayor Muslimen Macabato at iba pa.
‘Año confirms Parojinog connection to Maute’
Samantala, kinumpirma ni AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Eduardo Año ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng koneksyon ng pamilya Parojinog sa Maute-ISIS group.
Ayon kay Año, nagmula sa isang confidential na dokumento ang nasabing impormasyon kung saan nabanggit ang pakikipag-ugnayan ng napatay na si Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog sa mga kriminal at teroristang grupo tulad ng Maute.
Sinabi rin ni Año na sangkot ang magkakapatid na Maute sa operasyon ng iligal na droga kung saan hawak aniya ng mga ito ang Lanao – Misamis cartel.
Paliwanag pa ni Año, nakalap nila ang mga nasabing impormasyon matapos na kanilang siyasatin kung saan nagmumula ang pondo ng Maute-ISIS group.
—-