Patuloy na makararanas ng maulan na panahon ang malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas at ilang bahagi sa Mindanao bunsod ng panibagong low pressure area na namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 50 kilometers silangan ng Roxas City, Capiz.
Ayon kay Pagasa Weather Specialist Benison Estareja, nakalabas na ng PAR kaninang alas-tres ng madaling araw ang dating lpa na huling namataan sa layong 450 kilometers bahagi ng timog sa Kalayaan Island na sakop ng palawan.
Ang dating lpa ay patungo na sa pagitan ng Southern Vietnam at Malaysia habang patuloy namang nagpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas ang panibagong lpa pero mababa ang tsansa nito na maging bagyo at inaasahang malulusaw din ngayong araw.
Nakakaapekto rin sa Luzon ang northeast monsoon o hanging amihan dahilan kaya nakararanas ng malalakas na pag-ulan ang Metro Manila na tatagal hanggang mamayang tanghali.
Wala namang inaasahang bagyo na papasok sa bansa hanggang sa susunod pa na araw pero iiral parin ang malakas na hanging amihan na nagdadala ng malakas na pag-ulan at malamig na panahon sa mga nabanggit na lugar.
Nagpaalala naman sa publiko ang pagasa na makinig sa abiso ng mga lokal na pamahalaan; panatilihing maging alerto; doblehin ang pag-iingat; at magdala ng payong at iba pang panangga para sa biglaang pagbuhos ng ulan.