Asahan na ang maulan at maulap na lagay ng panahon sa Visayas, Mindanao, Bicol Region at MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan).
Ayon sa PAGASA, ito ay dahil sa isang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Davao City, at intertropical convergence zone (ITCZ).
Huling namataan ang naturang LPA kaninang alas-3 ng umaga sa layong 240 kilometers, silangan ng Davao City.
Maliit naman ang tiyansa nitong maging isang ganap na bagyo.
Samantala, makararanas naman ng maulap na may kasamang pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil sa ITCZ sa bahagi ng Mindanao.
Patuloy namang magdadala ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan ang northeast monsoon o Amihan sa Luzon, partikular na sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Bahagya hanggang maulap na kalangitan naman na may mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil din sa Amihan.