Malaki pa rin ang tiyansa na makaranas ng mga pag-ulan sa bahagi ng Luzon partikular na ang Bicol Region, CALABARZON, at MIMAROPA.
Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, asahan parin na magkakaroon ng maulap na kalangitan sa umaga hanggang sa tanghali habang mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan naman ang mararanasan sa hapon hanggang sa gabi.
Magiging maaliwalas naman ang kalangitan sa nalalabing bahagi pa ng Luzon partikular na sa Metro Manila maliban na lamang sa mga isolated rain showers o pulu-pulong mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa hapon hanggang sa gabi.
Asahan naman ang maulap na kalangitan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao bunsod ng Low Pressure Area (LPA) na inaasahang kikilos pakanluran–hilagang-kanluran.
Wala namang nakataas na gale warning ang PAGASA kaya ligtas at malaya paring makakapalaot ang mga kababayan nating mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 32°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:29 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:28 ng hapon.