Ina-assess na ng technical team ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang video ni Father Teresito Suganob na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang opensiba sa Marawi City.
Sa ginanap na Mindanao hour sa Malakanyang, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na mukhang authentic ang naturang video, subalit malinaw na propaganda ito ng mga teroristang may hawak sa pari.
Nanawagan si Padilla sa mga kalaban na sumuko na lamang upang mabawasan ang bilang ng mga pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan ng Marawi City.
Mga mamamayan sa Metro Manila walang dapat ipangamba
Pinabulaanan ng AFP ang ulat na may naarestong miyembro ng Maute at pamilya nito sa NAIA Terminal 3, Martes ng gabi.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na hindi si Omar Maute ang naaresto.
Mayroon aniyang inimbitahan for verification na nagngangalang Abdullah Naser Bandrang at pinakawalan din ito ng mga otoridad.
Muling iginiit ni Padilla na walang dapat ipangamba ang mga taga-Metro Manila dahil walang nakapasok na terror group mula sa Mindanao.
By Meann Tanbio | With Report from Aileen Taliping