Nanawagan ang pamahalaan sa mga netizens o gumagamit ng social media na maging responsable sa pagpapakalat ng mga impormasyon hinggil sa mga pangyayari sa Marawi City.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, hindi dapat magpa-gamit ang publiko sa mga terorista na nagpapakalat ng mga peke at nakagagalit na balita.
Isa aniya itong halimbawa sa nais mangyari ng Maute Group na maging religious war ang mga nangyayari ngayon sa Mindanao dahil sa ginawa nilang paninira at pagsunog sa St. Mary’s Cathedral.
Sabayan aniyang lumalaban ang Maute gamit ang kanilang propaganda sa pamamagitan ng social media kaya’t mainam aniyang maging mapanuri ang mga netizen at huwag patulan ang ipinalalabas ng mga terorista.
Maute Group lalong lumalakas habang nasusukol ng militar
Hindi pa matiyak ng AFP o Armed Forces Of the Philippines kung hanggang kailan eksaktong matatapos ang gulo sa Marawi City.
Ito’y ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto padilla sa kabila ng impormasyong unti-unti nang humihina ang puwersa ng Maute Terror Group sa nasabing lungsod.
Pag-amin ni Padilla, lalong lumalakas ang resistance ng mga terorista habang nasusukol sila ng militar para protektahan ang kanilang mga sarili.
Pagliliwanag pa ni Padilla, patuloy ang kanilang ugnayan sa mga lokal na opisyal ng Marawi City at ARMM o Autonomous Region on Muslim Mindanao para maibalik sa normal ang mga lugar na na-clear na ng tropa ng pamahalaan.
Pribadong sekto kumilos na sa pagtulong sa mga taga-Marawi
Kumikilos na ngayon ang pribadong sektor para tumulong sa mga residente ng Marawi City na naiipit sa bakbakan sa pagitan ng militar at ng maute terror group.
Ayon kay Ana Margarita Ginggay Hontiveros ng Presidential Entrepreneurship, aabot sa labing anim (16) na toneladang relief goods ang kanilang naipadala na sa Iligan gayundin sa mga border towns ng Marawi.
Laman ng mga nasabing tulong ay ang food packs, inuming tubig, mga gamot tulad ng paracetamol at iba pa gayundin ang hygiene kits.
Dagdag pa ni Hontiveros, muli silang makikipag-ugnayan sa pamahalaan upang makatulong sa rehabilitation at rebuilding efforts sa sandaling matapos na ang gulo sa nasabing lugar.
By Jaymark Dagala | With Report from Aileen Taliping