Walang dudang na bibigay na sa lalong madaling panahon ang Maute group na kumubkob sa Marawi City.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, malaki na ang nabawas sa kakayahan ng Maute group at isang patunay rito ang pagkakarecover nila sa daan daang matataas na kalibre ng baril.
“Habang dumadaan ang mga araw, lumiliit ang mundo nila at humihina ang kanilang pwersa. Maliwanag ‘yan sa dami na ng bilang ng ating mga nakuhang high powered firearms at ngayon ay umaabot na sa mahigit 300. ‘Yung kanilang pagkabawas ng kakayahan ay tiyak na makapagpapahina sa kanila.” paliwanag ni Padilla sa panayam sa DWIZ
Samantala, itinuturing pa lamang ng militar na pawang hilaw na impormasyon ang patay na ang mga lider na Maute group.
Sinabi ni Padilla na magpapalabas lamang sila ng kumpirmasyon sa pagkamatay nina Omar, Abdullar at Oto Maute kapag nakakuha sila ng matibay na ebidensyang magpapatunay sa paulit uli na impormasyong nakakarating sa kanila.
Una rito, napag alaman sa walong emisaryong nakapasok sa lugar ng Maute sa Marawi City na si Abdullah Maute ang kanilang nakausap
“Maaaring marami nga pong nagsasabi, pero kapag hindi natin nahanapan ng katibayan katulad ng recovery sa mga labi, hindi muna natin ito inilalagay sa pinal na impormasyon na dapat paniwalaan. Kaya sisikapin natin na makakuha ng maliwanag na ebidensya.” pahayag ni Padilla
Militar, nananatili pang blangko sa kalagayan ng mga bihag ng Maute group
Blangko ang militar sa kalagayan ng mga bihag ng Maute group na kinabibilangan ng grupo Father Chito Suganob.
Inamin ito ni Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP sa harap ng impormasyon na ginagamit na pambala sa giyera ng Maute group ang kanilang mga bihag.
Batay sa mga impormasyon, pinagsusuot ng itim ang mga bihag at sila ang ginagawang frontline ng Maute group sa labanan.
Hindi rin makumpirma ni Padilla ang report na mayroon na namang pinugutang bihag ang Maute group subalit nangyari na anya ito sa unang dalawang linggo ng labanan dahil nais pasiklabin ng Maute ang religious war.
Sa pagtaya ni Padilla, nasa limandaan pa ang mga sibilyang naiipit sa Marawi City kabilang na mga bihag ng Maute group.
“Kapag nasa gitna ng bakbakan, hindi niyo na talaga ma-distinguish kung sino ang sibilyan lalo na kapag inutusan na humawak sila ng mga armas. Kawawa ang ating kababayan, may nakatutok sa kanila sa likod kapag hindi nila sinunod ang mga utos. Ang akin lang abiso sa militar, tingnan at maaring magbigay ng body language itong mga sibilyan upang mailigtas natin.” ani Padilla
By Len Aguirre
Maute group inaasahang bibigay na sa lalong madaling panahon–AFP was last modified: June 26th, 2017 by DWIZ 882