Pasok na ang Maute group sa sanctions list ng Estados Unidos dahil sa global terrorism.
Matatandaan na ang Maute Group ang responsable sa pagkubkob sa Marawi City noong nakaraang taon na kumitil sa buhay ng mahigit isang libo (1,000) katao.
Kasama ng Maute Group sa sanctions list ng US ang mga paksyon ng ISIS sa Bangladesh, Egypt, Somalia, West Africa at Tunesia.
Layon nito na mawasak ang pagdaloy ng pondo sa grupo ng mga terorista at mawalan sila ng abilidad na makapag-recruit ng mas maraming miyembro.
Ayon kay Department of Foreign Affairs o DFA Undersecretary Ernesto Abella, nagagalak sila sa naging aksyon ng Amerika laban sa Maute Group.
Tiniyak ni Abella ang patuloy na kooperasyon ng bansa upang masugpo ang terorismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maraming bahagi ng mundo.
AFP
Tiyak na mahihirapan nang magpadala ng tulong pinansyal ang mga foreign terror group sa Maute group sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Brigadier General Bienvenido Datuin kasunod ng pagdedeklara ng Estados Unidos sa Maute group bilang mga terorista.
Ayon kay Datuin, dahil sa nasabing hakbang mas magiging mabilis na para sa mga awtoridad na masilip ang money trail at financial source ng Maute group mula sa mga dayuhang teroristang grupo.
Dagdag ni Datuin, mas madali na rin nilang matutukoy ang pagkakakilanlan ng mga koneksyon ng Maute group mula sa ibang bansa.
Naniniwala naman ni Defense Spokesman Arsenio Andolong na mababawasan na ang mga aktibidad ng Maute kasunod ng pagkakabilang nito sa listahan ng Estados Unidos.
Sinabi pa ni Andolong na pinagtibay din nito ang matagal nang deklarasyon ng pamahalaan sa Maute group bilang mga terorista.
By Krista de Dios / (Ulat ni Jonathan Andal)