Hindi pinoproblema ng Maute-ISIS group ang kanilang pagkain araw araw dahil hawak nila ang commercial district ng Marawi City at madaling makakuha ng pagkain.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na inuutusan ng mga terorista ang kanilang mga bihag para kumuha ng tubig, pagkain at iba pa sa mga tindahan at supermarket na iniwan ng mga may-ari at mga trabahador.
Ayon kay Padilla, planado ng husto ang ginawang pagsakop ng grupo sa Marawi City kaya kahit halos nasa 100 araw na ang bakbakan ay buhay pa at lumalaban pa rin sa mga tropa ng militar ang mga Maute members.
Ang mga gasoline stations at maging tangke ng gas ay ginagamit ng mga Maute bilang bahagi ng patibong sa mga lumulusob na mga sundalo.
Sinabi ni Padilla na batay sa pagtaya ng ground commanders hindi na malayong matapos ang giyera dahil kakaunti na lamang ang natirang puwersa ng Maute-ISIS terror group.
By: Aileen Taliping
SMW: RPE