Posibleng gumamit na ng mga suicide bombers ang Maute-ISIS group sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.
Ito ay matapos na makakuha ang militar ng vest na may nakakabit na bomba sa Islamic Center sa grand mosque na dating pinagkutaan ng Maute-ISIS group.
Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner naiipit at lumiliit na ang ginagalawan ng mga terorista sa Marawi City kaya’t marami na ang nagtatangkang tumakas papalabas ng main battle area.
Sinabi ni Brawner na maaaring gumawa pa ng mas maraming vest na may bomba ang mga miyembro ng Maute-ISIS group na kanilang gagamitin habang tumatakas.
Malaki rin aniya ang posibilidad na mga foreign suicide bombers ang kanilang gamitin lalo’t tinatayang nasa 10 hanggang 12 mga dayuhang terorista ang kasama ng Maute-ISIS group sa loob ng Marawi City.
Bukod dito, sinabi rin ni Brawner na doble na rin ang ingat ng mga sundalo na nagsasagawa ng clearing operations dahil maraming mga IED o improvised explosive device ang iniiwan ng mga terorista sa mga lugar na dati nilang pinagtaguan.
—-