Posibleng umabot sa isang bilyong piso ang mawawalang kita sa mga poultry egg farm.
Ayon sa AGAP o Agricultural Sector Alliance of the Philippines Incorporated ito ay kapag ipinatupad ng Department of Agriculture o DA ang kanilang kautusan na nagbabawal sa paglalabas ng poultry products mula sa Luzon dahil sa bird flu outbreak sa Pampanga.
Ayon kay AGAP Secretary General Rufina Salas, umaabot sa 18 milyong itlog ang kanilang ipinapadala sa ibang lugar kada linggo na tinatayang nasa halos limang piso ang presyo kada isa.
Idinagdag pa ng secretary general na 50 porsyento ng suplay ng itlog sa bansa ay nagmumula sa Batangas.
Pakiusap ni Salas, ikonsidera at baguhin ng pamahalaan ang ipatutupad na 90- days shipment ban.
Sinabi naman ni DA Secretary Emmanuel Piñol, hihingin niya ang pananaw ng Bureau of Animal Industry kaugnay sa naturang mungkahi.
By Arianne Palma