Full alert ang Philippine National Police (PNP) para sa Undas.
Ayon kay Senior Superintendent Dionardo Carlos, Spokesman ng PNP, nananatili ang full alert status ng Kapulisan mula noong ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang state of lawlessness.
Mangangahulugan anya ito ng maximum deployment ng mga pulis dahil bawal ang bakasyon kapag nasa full alert ang PNP.
Sinabi ni Carlos na partikular na ipinag-utos ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang pagpapaigting sa presensya ng pulis sa pamamagitan ng pagpapatrolya, deployment ng road safety marshals na aalalay sa mga motorista.
Magtatayo rin anya sila ng assistance hub sa mga sementeryo at mga transport terminals para ayudahan ang mga bibiyahe patungo ng probinsya at mga magtutungo sa sementeryo.
Bahagi ng pahayag ni PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos
Cemeteries
Nakahanda na ang pamunuan ng Manila North at Manila South Cemetery sa pagdagsa ng mga bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Nobyembre 1 & 2.
Ayon kay Cemetery Administrator Daniel Tan, nakahanda na ang kanilang mga tauhan para sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga sementeryo.
Pinaalalahanan din ni Tan ang mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga matutulis na bagay, alak at radyo.
Hinimok din ni Tan ang publiko na magdala ng sariling basurahan at huwag magkalat.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Katrina Valle | Aya Yupangco (Patrol 5)