Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang publiko na gawin ang “maximum observance” ng health protocols ngayong mayroon nang mga nadetect na lokal na kaso ng Delta variant na sinasabing mas nakakahawa.
Sa kaniyang video message na inupload sa Facebook, nanawagan din si Robredo sa gobyerno para sa mas mabilis na distribusyon ng bakuna kontra COVID-19 para maiwasan ang muling pagsirit ng bilang ng kaso ng nakakahawang sakit sa bansa.
Ani Robredo ang pagkaka detect ngayon sa mga lokal na kaso ng Delta variant ay dapat na maging paalala sa mga Filipino na hindi pa tayo dapat maging kampante at magpabaya sa pagsunod sa ipinatutupad na health protocols.
Una rito, kinumpirma ng DOH ang nadetect na bagong 16 na kaso ng Delta variant kung saan labing isa rito ay local cases.