Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines o AFP na kanilang ipatutupad ang maximum tolerance kasabay ng pagtitiyak sa seguridad sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo sa harap na rin ng banta ng malawakang kilos protesta laban sa administrasyon na ikinasa ng mga nasa oposisyon at militanteng grupo.
Ayon kay Arevalo, bagama’t may kalayaan ang lahat na magpahayag ng kanilang saloobin, dapat pa rin aniyang isaalang-alang ng mga raliyista ang kapakanan ng iba na ang hangad lamang ay makapagpatuloy sa kanilang buhay.
Hangad ng Hukbong Sandatahan ang ligtas at mapayapang SONA ng Pangulo subalit mahalaga pa rin ayon kay Arevalo ang pakikipagtulungan ng publiko upang masiguro ang matagumpay na pagdaraos ng mga pagkilos.
—-