Muling tiniyak ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa mga magsasagawa ng demonstrasyon ngayong anibersaryo ng martial law.
Apat na libong (4,000) pulis mula sa NCRPO at Central Luzon ang ipinakalat sa Mendiola, Luneta at iba pang lugar na mayroong pagkilos ngayong araw na ito.
Ayon kay PNP-NCRPO Chief Guillermo Eleazar, nakapaglatag na sila ng mga panuntunan sa pulong nila sa mga convenors ng mga grupong lalahok sa malakihang kilos protesta ngayong araw na ito.
Mayroon na aniya silang nabuong guidelines para hindi magkasalpukan ang mga pro at anti-Duterte groups na magsasagawa ng programa.
“Tayo po ay nakaantabay at sisiguraduhing sila po ay hindi lalabag sa mga pinaiiral na batas dito sa atin, isinama po natin ‘yan sa ating mga contingency at sa ating planning, inaasahan po natin na sila po ay susunod din naman.” Ani Eleazar
Kumpiyansa si Eleazar sa ikinasa nilang seguridad sa harap ng intelligence report na lalahok di umano sa mga rally ang mga New People’s Army (NPA).
Binigyang diin ni Eleazar na libreng lumahok sa mga pagkilos ang kahit na sinong mamamayan basta susunod ang mga ito sa batas tulad na lang ng pagbabawal na magdala ng baril.
“Meron tayong intelligence monitoring, open din ang ating lines of communication, binibiyan natin ng responsibilidad ang mga lider na magsasagawa ng kanilang kilos protesta na bantayan ang kanilang hanay, laging may consequence ang aksyon na ginagawa ng mga opisyal at may batas tayong pinaiiral. We have 4,000 personnel to be deployed all over the place at may dagdag na 1,000 sa bahagi ng Camp Crame, at dito sa Camp Bagong Diwa meron ding naka-standby at may mga augmentation pa tayo.” Pahayag ni Eleazar
(Ratsada Balita Interview)