Nakahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) na kasuhan ang may-ari ng isang barge na sangkot sa nangyaring oil spill sa karagatang sakop ng Iloilo.
Ayon sa PCG, sasampahan nila ng kasong kriminal ang may-ari ng Power Barge Number 102 sakaling makitaan ng matibay na batayan para papanagutin ito sa insidente.
Sinabi ng PCG, nakatakda na ring magtungo ng Iloilo City ang kanilang legal affairs team para tumulong sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa oil spill.
Kahapon, ibinahagi ng pcg ang mga larawan ng kanilang isinasagawang recovery operations matapos tumagas sa karagatan ang tinatayang 40,000 litro ng bunker oil sa karagatan ng Zone 3 barrio Obrero sa Lapuz, Iloilo City.
Ito ay makaraan namang mapaulat ang pagsabog ng isa sa apat na tank ng Power Barge Number 102.