Namemeligrong managot sa batas ang may-ari ng barko na umano’y nagpakawala ng wastewater o maruming tubig sa Manila Bay.
Ayon kay Manila Bay Coordinating Office Deputy Executive Director Jacob Meimban, sinasabing nakuhanan ng mga vlogger ang pagpapakawala ng barko na hinihinalang sanhi kaya’t nagkulay-kalawang ang malaking bahagi ng look sa tapat ng Baywalk.
Agad namang kumuha ng water sample ang Manila Bay Coordinating Office, Philippine Coast Guard at Metropolitan manila Development Authority upang matukoy kung may halong langis ang wastewater at kung ano ang magiging epekto nito sa mga lamang tubig.
Depensa naman ng oiler ng sea vessel na si Escolastico Bunyi, matagal nang nakatengga sa lugar ang kanilang barko dahil nasiraan lamang ito.
Ngunit habang iniimbestigahan ang insidente ay naka-hold muna ang nabanggit na barko.