Nasa kustodiya na ng pulis ang may-ari ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos tumama ang 6.1 na lindol nitong Lunes.
Maliban kay Samuel Chu na may ari ng naturang supermarket, kabilang din ang assistant manager nitong si Kaye Toledo upang matanong din hinggil sa pagguho ng gusali.
Kasalukuyan namang inaalam na ang pagkakakilanlan ng contractor at engineer ng nasabing establisyemento upang maimbestigahan din sa naturang insidente.
Search and rescue ops sa Porac, patuloy
Tuloy pa rin ang pagsasagawa ng search and rescue sa mga natabunan ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.
Gumuho ang naturang gusali matapos tumama ang magnitude 6.1 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon nitong Lunes.
Ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ipagpapatuloy ang operasyon hanggat mayroon pang senyales ng buhay sa loob ng gumuhong gusali.
Batay sa impormasyon mula sa tanggapan ng alkalde ng Porac, magmula alas-10 ng umaga kahapon ay lima (5) na ang naitalang patay sa pagguho sa nasabing gusali.
Porac mayor, umaasang matatapos na ang operasyon sa Chuzon Supermarket
Umaasa si Porac, Pampanga Mayor Condralito Dela Cruz na kanila nang matatapos ang rescue operations sa gumuhong Chuzon Supermarket ngayong araw, Abril 25.
Ayon kay Dela Cruz, ito ay upang matutukan na nila ang iba pang problema sa mga barangay sa Porac na naapektuhan din ng lindol noong Lunes.
Sinabi ng alkalde, nagiikot-ikot na aniya ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Porac para makapag-abot ng tulong sa mga residente.
Samantala, tiniyak naman ni Dela Cruz na nagpapatuloy pa ang operasyon sa gumuhong gusali para matiyak na wala nang maiiwan sa ilalim ng mga guho.
Sa panulat ni: Krista De Dios
Search and rescue ops sa Chuzon Supermarket sa Porac, magpapatuloy pa rin kahit wala ng senyales ng buhay
Magpapatuloy pa rin ang search at rescue opeations sa gumuhong supermarket sa Porac, Pampanga kahit wala nang senyales na may buhay pa.
Paliwanag ni Pampanga Police Chief Col. Jean Fajardo, nais nilang pakasiguro dahil maaaring nagkamali lamang ang mga detector ng K-9 units dahil sa dami ng equipments.
Samantala, nagsimula na ang clearing operations ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ngunit naghahanap pa rin ang mga tauhan nito ng senyales ng buhay sa lugar.
Hanggang araw ng Miyerkules, nasa apat (4) na bangkay ang nakuha sa guho at walong (8) sugatang empleyado ang nailigtas.
Sa panulat ni: Jennelyn Valencia