Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang CEO o Chief Executive Officer ng kumpaniyang Questlinke Digital Marketing Services na si Kennet Paz Nagaz.
Ito’y ayon sa Tagum City Police Office ay matapos na itakbo nito ang may 200 milyong pisong investment ng nasabing kumpaniya sa Davao Del Norte.
Ayon kay Tagum City Police Office Spokesperson P/Capt. Anjanette Tirador, nakikipag-ugnayan na rin sila sa NCRPO o National Capital Region Police Office at Quezon City Police District para sa agarang ikadarakip nila Nagaz at Rogie Sabando na operations manager ng kumpaniya.
Batay sa salaysay ng isang ahente na nagsuplong sa dalawa, halos 100 investors ang naglagak ng kabuuang 209 na milyong piso at ipinangako ng mga may-ari na ibabalik nito ang nasa 500 porsyentong kita umano matapos ang 15 araw.
Subalit bigla na lamang naglahong parang bula ang dalawa kaya’t nanggagalaiti sa galit ang lahat ng mga naglagak sa kanila ng puhunan.
Dahil dito, nananawgan ang pulisya sa iba pang mga biktima ng Questlink na lumutang at magsumbong sa kanilang tanggapan upang agad magawan ng aksyon.