Humarap na sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region 1 ang may-ari ng jeep na sangkot sa aksidente sa Agoo, La Union.
Ayon kay Ronald Dicusin, hiniram sa kanya ng driver na si Ronaldo Perez ang kanyang jeep dahil pupunta umano ang mga kaanak nito sa Manaoag, Pangasinan.
Wala umano siyang tinanggap na artikula o bayad para sa paggamit ng kanyang jeep.
Mariin naman itong pinalagan ng ina ng driver na si Zoraida Perez. Aniya, imposibleng hindi nagbigay ng renta ang kanyang anak para magamit ang naturang jeepney.
Matatandaang noong araw ng pasko ay patungo sana sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag ang pamilya nang sumalpok ito sa isang bus ng Partas na nagresulta ng dalawampung (20) patay at 26 na sugatan.