Nanawagan ng hustisya ang may-ari ng bangkang pangisda na lumubog matapos na di umano’y banggain ng barko ng China.
Ayon kay Fe Dela Torre, may-ari ng Gem-vir fishing boat, bagamat ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng karahasan mula sa barko ng China, posible anyang maulit ito kung hindi maaaksyonan ng pamahalaan.
Umapela rin ng tulong si Dela Torre sa pamahalaan para sa pagpapagawa ng kanilang bangkang pangisda na nabutas matapos mabangga.
Nagpahayag ng pangamba si Dela Torre sa kabuhayan ng mga mangingisdang nagtra-trabaho sa kanila kung hindi magagawa ang kanilang bangkang pangisda.
Sinabi ni Dela Torre na nagtra-trabaho na sa kanila ang mga mangingisda mula pa noong simulan nila ang pangingisda sa Recto Bank noong 2011.
Pagpapagawa ng Gem-vir 1 malaking halaga
Mangangailangan ng malaking halaga para maipagawa ang Gem-vir 1, ang bangkang pangisda na halos lumubog matapos na di umano’y banggain ng barko ng China sa Recto Bank.
Ayon kay Fe Dela Torre, may ari ng Gem-vir 1, maliban sa butas na bunga ng pagkakabangga sa barkong pangisda, mangangailangan rin ng repair ang iba nilang gamit tulad ng radyo at GPS apparatus.
Halos tatlong tonelada rin anya ng lapu-lapu at iba pang isda na halos dalawang linggong pinagpaguran ng kanilang mga mangingisda ang nawala.
Sinabi ni Dela Torre na agad nagtungo sa Recto Bank ang asawang si Felix matapos mabalitaan ang insidente upang tignan ang lagay ng kanilang mga mangingisda at hilahin pauwi ang nasira nilang barkong pangisda.