Palalakasin pa ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang kanilang focused military operations laban sa mga terorista sa Mindanao.
Iyan ang tiniyak ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo kasunod ng nangyaring pagsabog sa Lamitan City sa Basilan noong Martes.
Ayon kay Arevalo, tukoy na nila kung sino ang may-ari ng kulay puting van na siyang ginamit sa pagsabog na ikinasawi ng sampu kabilang na ang driver/suspek.
Ibinunyag naman ni ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hataman na isang pulis umano ang nakabili ng naturang van mula sa isang lokal na opisyal sa Basilan.
Samantala, inihayag sa DWIZ ni Hataman na malabo ang pinalulutang ng ilang lokal na terorista ang siyang may pakana ng nasabing insidente.
“Darating ang panahon na sasabihin nila na suicide bomber. Ako, I’am 101% sure na hindi pa ito local. Baka may mga nakapuslit noong Marawi , baka yun pa pero yung sabihin local parang ang layo ng posibilidad kasi ito namang si ano talagang mukhang pagkabata andyan na yung buhay niya sa loob ng Abu Sayaff at ito ang tingin ko kasi karamihan narin sa tao nila talagang nagbabalik loob sa gobyerno kaya ang tingin ko out of ano, marunong gumawa ng bomba like before mapansin mo may mga ambush pero for many years wala nang ambush ambush dito sa Zamboanga eh.”
Minaliit din ni Hataman na may kinalaman sa kalalagda pa lamang na Bangsamoro Organic Law ang naturang insidente kahit pa batid ng marami na tinututulan ito ng mga grupo sa Mindanao na nagnanais magtatag ng sariling gobyerno.
“Tingin ko ang mga yan ay agam agam lang ng ilan na ayaw gustong sakyan lang yung sitwasyon pero sa amin naman ho, malinaw sa amin na yung Abu Sayaff, yung ilang myembro ng BIFF na medyo link doon sa extremism, talagang ayaw nila rito kasi ang gusto nilang itatag isang pure na Islamic state kuno na independent na alam nating ang hirap non sa Pilipinas, eh kung itong BOL nga, pinalitan nalang ang BBL into BOL kasi maraming hindi nakakaunawa doon sa real situation.”
(From Sapol interview)
Mga nasa likod ng pagsabog sa Lamitan, posibleng gumagamit ng dayuhan
Naniniwala ang ilang opisyal at residente sa Lamitan City sa Basilan na isang dayuhang terorista at hindi ang bandidong Abu Sayaf ang nasa likod ng pagsabog sa lugar noong Martes.
Ito’y sa kabila ng pagmamaliit ng militar sa pag-ako ng international terrorist group na ISIS sa naturang insidente kung saan itinuturo rito si ASG Leader Fujiri Indama.
Pero ayon kay Lamitan City Mayor Rose Furigay, duda ang ilang pamilya at ka-anak ng Abu Sayaf na nakatira sa Lamitan sa pahayag na ito ng AFP dahil sila rin mismo anila ang tiyak na mabibiktima ng pagsabog.
Ayon sa alkalde, posible anilang gumamit lamang ng dayuhan ang mga tunay na nasa likod ng pag-atake upang ilihis ang imbestigasyon ng mga awtoridad at matuon sa ibang grupo.
Magugunitang isang Moroccan national umano ang nagmaneho ng kulay puting van na sumabog sa lugar habang isinasailalim sa checkpoint ng militar kung saan sampu ang nasawi kabilang na ang driver/suspek.