Mananatili pa rin ang pag anunsyo ng “walang pasok” kapag mayroong mga bagyo o ibang kalamidad sa bansa.
Ito ang iginiit ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa kabila ng pagpapatupad ngayon ng blended learning kung saan patuloy na nakapag-aaral ang mga bata sa bahay.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, sa oras na may bagyo o kung anomang posibleng kalamidad ang dumaan, dapat ay naghahanda ang pamilya para sa kanilang kaligtasan.
Hindi rin aniya maiiwasan ang pagkakaroon ng mga blackouts o intermittent signal ng mga internet service provider.
Gayunman iginiit ni Malaya na ang desisyon pa rin sa pag-aanunsyo ng walang pasok ay nasa lokal na pamahalaan depende sa sitwasyon sa kanilang lugar.
Kaya mahalaga umano ang pakikipag-ugnayan ng mga alkalde tulad na lamang sa mga internet service providers para alamin kung posible bang maaapektuhan ng masamang panahon ang internet connection sa kaniyang nasasakupan at ito ay maging batayan sa pag aanunsyo ng walang pasok.