Hindi napigilang maglabas ng sama ng loob ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon sa naging pahayag ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa naging pagdinig ng Kamara kahapon.
Ito’y makaraang ipagmalaki ni Faeldon ang kanilang mga nagawa sa loob ng isang taon pa lamang ng administrasyong Duterte kumpara sa mga nagawa ng nakalipas na anim na taon ng administrasyong Aquino kung saan nakabilang si Biazon.
Sa panayam ng programang Ratsada Balita kay Biazon, inamin nitong nairita siya sa naging ulat ni Faeldon dahil puspusan naman ang kanilang paghahabol noon sa mga smuggler, importer at broker sa ilalim ng run after tax evaders.
“Medyo na-dissapoint ako kasi tauhan ko rin naman dati noong nandun ako at nakita din naman nila ang aming performance, halimbawa nga buong 2 years ko doon, every week nagfa-file kami ng mga kaso laban sa importers or brokers, kasama na doon automatically yung pag-disiplina sa kanila by suspension o pagtanggal ng kanilang accreditation, so dun pa lang maliwanag na yung sinasabi nilang zero accomplishment eh mali naman, may ginagawa kaming ganun, sa pagkakaalam ko kahit yung mga nauna at sumunod sa aking naging commissioner ay mayroon ding ganung ginagawa.” Pahayag ni Biazon
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita Interview