Binatikos ng World Health Organization (WHO) ang pagiging sakim ng ibang mayayamang bansa na kinukunsidera ang pagkakaroon ng COVID-19 booster vaccinations habang marami pang hindi nababakunahan sa ibang panig ng mundo.
Hindi rin pinalampas ng WHO ang mga vaccine manufacturers na binibigyang prayoridad ang mga kasunduan sa paggawa ng booster sa halip na unahin ang first at second dose shots para mas marami pang mabakunahang healthcare worker at matatanda sa mga mahihirap na bansa.
Iginiit ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na hindi nagiging pantay ang suplay ng bakuna dahil may ibang bansa ang bumibili ng ilang milyong doses ng bakuna habang mayroong ibang bansa ang nagkukumahog na makabili ng bakuna.