Tuluy-tuloy ang pagsisikap ng Manila City government na mapababa ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, isang buwan na silang nakakapagtala ng mas mababa sa 500 kaso ng COVID-19 sa lungsod, bagamat patuloy ang pagkilos nila para matiyak ang pagpapatupad ng health protocols lalo na’t wala pa aniyang bakuna kontra sa nasabing virus.
Sinabi pa sa DWIZ ni Moreno na patuloy ang apela nila sa mga taga-Maynila na makiisa sa gobyerno para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa awa ng Diyos, ang Maynila po… isang buwan na po naming na-break ‘yung 500 [cases]. Patuloy naman ang pagbaba nung impeksyon but as we all know, may panganib pa rin. ‘Yung isang impeksyon, delikado; pero ‘yung 300 plus na impeksyon, mas delikado. Kaya ang panawagan ko talaga sa taumbayan, manatili tayo doon sa ginagawa na natin over the past 10 months. ‘Wag na tayong bibitaw, magsuot po tayo ng mask, face shield, wash your hands, and continue practice physical distancing,” ani Moreno. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882