Pinag-aaralan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga posibleng parusa sa dalawang water concessionares dahil sa unscheduled water service interruptions.
Ayon ito kay MWSS chief regulator Atty. Patrick Ty.
Sinabi ni Ty na sa kasalukuyang set up, maaari lamang magkasa ng parusa ang MWSS sa Maynilad o Manila Water kung tumagal ng 30 araw ang unannounced water interruption.
Tinawag ding unreasonable o wala sa katuwiran ang paninisi ng Maynilad at Manila Water sa National Water Resources Board (NWRB) sa kanilang service interruption dahil binawasan ng ahensya ang inilaang supply ng tubig kasunod na rin nang patuloy na pagbaba ng water level ng Angat Dam.
Binigyang diin ni Ty na dapat ay nakagawa na ng contingency measures ang dalawang concessionaires dahil batid naman nilang pababa na ang water level ng Angat Dam kaya’t tiyak na babawasan ang water allocation sa kanila.