Patuloy na humingi ng paumanhin at pang-unawa ang Maynilad sa kanilang mga customers.
Kasunod ito ng pinaliwig na water service interruption ng naturang water concessionaires.
Ayon sa Maynilad, sinimulan na nila ang pagpuno sa isang basin ng La Mesa treatment plant matapos matanggal ang mga naipong sludge o putik.
Gayunman, nananatili pa rin anilang turbid o malabo ang pumapasok na suplay ng tubig mula sa Ipo dam.
Dahil dito, sinabi ng Maynilad na hindi pa rin nila maaabot ang target na water production na nagreresulta naman sa mas mahabang oras ng water service interruption kaysa sa naka-schedule sa mga customers na nasa matataas na lugar.
Binigyang diin naman ng Maynilad na nagsasagawa na ng system adjustment ang kanilang technical team para matugunan ang hinaing ng kanilang mga customers.
Dinagdagan na rin ng maynilad ang pinaiikot nilang water tankers sa mga apektadong lugar habang nakipag-ugnayan na rin sila sa LGU at BFP para makatulong sa pagdedeliver ng tubig.
Inaasahan naman ng maynilad na mababalik na sa normal ang suplay ng tubig sa susunod na Martes, Nobyembre 24.